Magtiyahin nalitson sa sunog

Isang magtiyahin ang nasawi sa sunog na tumu­pok sa kanilang tahanan sa Las Piñas City kahapon ng umaga.

Kinilala ang mga biktima na sina Carol del Rosario, 45 anyos, at pamangkin nitong si Hazel Bautista, 20 anyos, kapwa residente ng #20 Dolores St., Barangay Almanza I ng nabanggit na lungsod.

Halos uling na ang bangkay ng mag-tiyahin nang matagpuan sa isang banyo sa ikalawang palapag ng kanilang natupok na bahay.

Batay sa report ni SPO1 Crisando Calatay ng Las Piñas Investigation Division, nagsimula ang sunog dakong alas-7:44 ng umaga nang biglang kumislap ang electrical switch sa tahanan ng mga biktima at nawalan ng kuryente.

Nang biglang bumalik ang kuryente ay nakita na lamang na umaapoy ang bahay ng mga biktima. Hinihinala naman ng mga arson investigators na electrical overload ang dahilan ng sunog. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments