Isang 46-anyos na ginang at isa niyang 27 anyos na driver ang inaresto kamakalawa ng pulisya sa Valenzuela City dahil sa pagkakasangkot umano sa pamamaslang sa isang negosyanteng asawa ng una.
Kinilala ni Valenzuela Police Chief Senior Supt. Ranier Idio ang mga suspek na sina Janet Ane ng Doña Marciana Subdivision, Sitio Sulok, Ugong ng naturang lunsod at ang driver nitong si Danilo Salvid.
“Nang puntahan namin si Salvid, tumindi ang hinala namin na may kinalaman ito sa pagkamatay ng biktimang si Antonio Ane lalo na nang makita namin sa screen saver ng kanyang cellphone na nakahilig sa kanya ang kanyang among babae,” sabi ni Idio.
Ayon pa sa opisyal, sa isinagawa nilang imbestigasyon sa asawa ng biktima ay nagduda rin sila sa pahayag at ikinikilos nito dahilan upang magpositibo ang hinala nilang sangkot ang mga ito sa pagpatay sa biktima lalo na nang aminin mismo ni Salvid na ibinili siya ng ginang ng Iberet na sasakyan.
Dahil dito, tumindi ang hinala ng pulisya na posibleng love triangle ang tunay na ugat upang patayin ang biktima.
Araw ng Pasko, ganap na alas-12 ng hatinggabi nang pagbabarilin ng dalawang hindi mabatid na suspek ang biktima sa harap ng kanyang bahay. Kinuha pa ng mga salarin ang pera nitong cash na halagang P50,000. (Ricky Tulipat)