Nasa malubhang kalagayan ang dalawang lalaki makaraang pagsasaksakin ng umano’y kalabang grupo habang patungo sa simbahan upang dumalo ng simbang gabi kahapon ng madaling-araw sa Marikina City. Kasalukuyang ginagamot sa Amang Rodriguez Medical Center sanhi ng tinamong saksak ng ice pick sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang nakilala lamang sa pangalang Bryan 20; at Nilo 19, ng Libis Malaya St. Brgy. Malanday ng nasabing lungsod. Kasalukuyan namang pinaghahanap ng pulisya ang isang Efren Tolentino, umanoy lider ng kalabang grupo na nakabanggaan ng mga biktima. Sa inisyal na ulat, naganap ang insidente dakong alas-3:30 ng madaling-araw sa boundary ng Brgys. Concepcion Uno at Malanday ng magkasalubong ng landas ang dalawang grupo upang magtungo sana sa simbahan. Dahil sa mayroon ng hidwaan ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang magkalabang grupo dahilan upang bumunot ng ice pick ang isa sa mga suspek at pagsasaksakin ang dalawang biktima bago mabilis na nagsitakas. Agad namang isinugod ng mga saksi sa pagamutan ang dalawang biktima. (Edwin Balasa)