Apat na magkakapatid na lalaki na pinaniniwalaang mga “tulak” ng droga ang dinakip sa isinagawang buy-bust operation kamakalawa ng gabi sa Malabon City .
Kinilala ni Senior Inspector Arnel Dimalanta, hepe ng Station Anti-Illegal Drugs ang mga suspek na si Ernesto Pechay, 42, mga kapatid na sina Elmer, 39; Benjamin, 36; at Nilo, 33, pawang mga residente ng 4th St., Tañong ng lungsod.
Batay sa ulat, alas-6:30 ng gabi nang madakip ang magkakapatid sa kanilang compound ng nasabing lugar.
Nabatid na nakatanggap ng impormasyon si Dimalanta hinggil sa pagtutulak ng shabu ng magkakapatid kung saan isa sa mga pulis ang umaktong buyer. Nang makabili na ang parak na nagpanggap na buyer ay agad na sinalakay ng mga tauhan ng SAID ang bahay ng magkakapatid.
Nagawa pang manlaban ng mga ito sa mga awtoridad na naging dahilan ng pagkahulog sa ilog ng dalawang operatiba. Gayunman, tuluyan ding nadakip ang mag-uutol na “tulak”. Nasamsam sa mga suspect ang apat na sachet ng shabu. (Lordeth Bonilla)