Iniwan ng ka-live-in, nagbaril

Isang lalaki ang nasawi matapos itong magbaril sa bibig nang malaman niya na ang kan­yang live-in partner na nagpunta sa Japan ay nag­pakasal na sa isang Hapon kama­kalawa sa Malabon City.

Patay na nang idating sa Tondo Medical Center si Jasper Casiño, 30, ng Espiritu St., Tinajeros ng lungsod na ito.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Bobby Mario Egera, alas-6 ng gabi nang magbaril sa bibig ang biktima sa loob ng kanilang bahay kung saan agad itong dinala ng kanyang pinsan na si Jeffrey sa na­banggit na paga­mutan subalit hindi na ito umabot pang buhay.

Nabatid na sa nakalipas na mga araw ay naging malung­kutin ang biktima nang mala­man na nagpakasal sa Hapon ang kanyang ka-live-in na nag­punta sa Japan.

Nakuha sa pinangyarihan ng insidente ang baril na ginamit ng biktima.

Samantala, natuluyan din ang pagpapatiwakal sa ikat­long pagkakataon ng isang 37-anyos na binata, nang magbaril sa kanyang sen­tido, sa Paco, Maynila, kamaka­lawa ng hapon

Patay na nang matagpuan sa kanyang kuwarto ng kan­yang ama ang biktimang si Redinald Peralta, ng Pre­sident Quirino Ave, cor. Gen Luna Extn., Paco, Maynila.

Sa ulat, dakong alas-2 ng hapon nang maganap ang insi­dente sa loob ng inu­upa­hang bahay ng biktima.

Sinabi ng kanyang ama na si Antonio Peralta, 66, mag-isa ang kanyang anak sa loob ng kanilang bahay nang umalis siya upang ibili ng gamot dahil sa sobra uma­nong pananakit ng ulo ng anak sa hindi binang­git na karamdaman.

Nang siya ay bumalik ay na­tuklasan niya ang gina­wang pagpapakamatay nito.

Katabi pa nito ang kalibre .38 baril, na pag-aari ng ama at may kumpletong papeles.

Sinabi umano ng ama na ikatlong beses na ang pagpa­patiwakal ng kanyang anak. Una umanong nalusutan pa ng biktima ang kamatayan sa dalawang ulit na pagtatangka nitong magpakamatay sa pamamagitan ng paglalaslas ng pulso.

Inaalam din kung may na­ganap na foul play. (Lordeth Bonilla at Ludy Bermudo)

Show comments