Dalawang umano’y miyembro ng carnapping syndicate ang napatay sa pakikipagbarilan sa mga pulis sa Quezon City kamakalawa ng gabi.
Ang mga suspek na kapwa dead on the spot sanhi ng tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay nakilala sa pamamagitan ng nakuhang driver’s license sa kani-kanilang pitaka na sina Elorde, 45; at pinsang si Rogelio Salvador, 43.
Sa pagsisiyasat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), dakong alas-10:30 kamakalawa ng gabi nang maganap ang insidente malapit sa Sacred Heart Parish Church na nasa kanto ng Scout Ybardolaza at Scout Limbaga Sts., Brgy. Sacred Heart, Quezon City.
Bago rito, kinarnap muna ng magpinsan ang motorsiklo na pag-aari ng isang Kristtopen Gayuma, 27, sa kanto ng Don Alejandro Roces Avenue at Scout Reyes, Brgy. Laging Handa, Quezon City.
Ngunit habang binabagtas ng mga suspek ang naturang lugar ay naispatan sila ng mga tauhan ng pulisya na nakatanggap ng impormasyon hinggil sa pangyayari.
Imbes namang huminto ay pinaputukan ng mga suspek ang mga pulis at bilang pagtatanggol sa sarili ay gumanti sila ng putok na nagresulta sa pagkakapatay sa mga suspect.
Nakarekober sa mga suspek ang dalawang kalibre .38 baril at ang motorsiklong inagaw nila kay Gayuma.
Kamakalawa lamang ay tatlong holdaper naman ang napatay ng QCPD cops sa Biak na Bato St., sa Brgy. Sto. Domingo makaraang mangholdap ng isang pampasaherong jeep na puno ng magsisimbang gabi. (Angie dela Cruz)