Kutsero niratrat patay, pedicab driver nadamay

Isang 46-anyos na kut­sero ang nasawi, habang sugatan din ang isang pedi­cab driver makaraang ratratin ng hindi nakikila­lang mga lalaki lulan sa isang kotseng walang plaka, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Dead-on-arrival sa Gat Andres Bonifacio Hospital ang biktimang si Antonio Marcelino, ng Tondo, May­nila sanhi ng tinamong bala sa katawan habang sugat lamang sa hita ang natamo ni   Randy Bildan, 21, pedicab driver, resi­dente ng Banker’s Pier 2, North Harbor, Tondo

Kasalukuyang nagsa­sa­­gawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa pag­kakakilanlan sa gun­man at iba pang kasamang suspect na sakay ng puting kotse at armado ng hindi nabatid na kalibre ng baril. Wala pa ring nakitang motibo sa pamamaril.

Sa ulat ng pulisya, da­kong alas-10 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa panulukan ng Yangco at Esguerra Sts., Tondo, May­nila.

Nabatid na suma­kay ng pedicab na mina­ma­­neho ni Bildan si Mar­celino matapos makipag-inuman sa Francisco St., at pagsapit sa Esguerra St. ay nadaanan umano ang   nag-aabang na mga sus­pect na nasa loob ng isang nakahimpil na kotseng walang plaka.

Nang makalagpas na ang pedicab, bigla uma­nong umilaw ang head­lights ng nasabing kotse at bumaba ng sasakyan ang isa sa mga suspect at ma­bilis na nilapitan ang bik­tima saka pinagbabaril. Na­damay din sa pama­maril ang pedicab driver. (Ludy Bermudo)

Show comments