Patay ang isang negosyanteng Indian national matapos na ito ay pagbabarilin ng apat na kalalakihan na pinaniniwalaang mga hired killers habang sakay ng kanyang motorsiklo kahapon ng umaga sa Pasig City.
Dead-on-the-spot ang biktimang nakilalang si Gurbachan Singh Parmar, 56, negosyante matapos itong magtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Naaresto naman ang tatlo sa apat na mga suspek na kinilalang sina Antonio Flores, alyas “Buboy”, Nico Rivera at Marlon Navarro, pawang mga construction worker sa Lungsod ng Malabon.
Samantala kasalukuyan pang pinaghahanap ang isa pang suspek na nakilala lamang sa alyas “Jojo”, umanoy lider ng grupo. Ayon sa ulat ni P/Supt. Ramiro Bausa, hepe ng Pasig City Police, dakong alas-9 ng umaga nang maganap ang insidente sa kanto ng Pedro at Estacion Sts. Brgy. Kalawaan ng nasabing lungsod.
Nabatid na habang nakahinto ang biktima ay bigla na lang naglapitan ang mga suspek dito at malapitan itong pinagbabaril at pagkatapos ay mabilis na pumara ng traysikel para tumakas. Mabilis namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Pasig police na ikinadakip ng tatlo sa mga suspek. (Edwin Balasa)