Muling pinag-iingat ng Quezon City Police District at National Meat Inspection Service (NMIS) ang publiko sa pamimili sa Balintawak Market sa Quezon City sa pagdagsa na naman ng mga “double dead” na karne matapos na muling makakumpiska ng higit isang tonelada nito sa isang operasyon kahapon ng umaga.
Nagsagawa ng inspeksyon ang NMIS, Quezon City Health Office katuwang ang QCPD sa naturang pamilihan matapos na pumutok ang isyu ng “Ebola Reston virus” sa mga baboy buhat sa Luzon.
Umaabot sa 200 kilo ng kontaminadong karne ang nakumpiska ng mga tauhan ng NMIS habang higit 1 tonelada naman ang nadiskubre ng mga tauhan ng City Health Office sa hiwalay na inspeksyon.
Katuwang naman ng NMIS at QC Health Office ang mga tauhan ng QCPD kung saan hindi na nakapalag ang mga negosyante at mga tauhan ng mga ito sa ginawang pagkumpiska sa mga kontaminadong karne.
Isinunod namang ininspeksyon ng grupo ang mga palengke ng Novaliches at Commonwealth na una nang nahulihan kamakailan ng iligal na karne ng Indian buffalo. Nagnegatibo naman sa mga double dead na karne ang naturang mga palengke.
Nakatakdang sampahan naman ng kaso ng pulisya ang mga negosyante na nahulihan ng naturang mga iligal na karne at nahaharap rin sa pagkakansela ng kanilang mga business permits. (Danilo Garcia)