Patay ang isang negosyante at asawa ng isang dating sexy starlet makaraang pagbabarilin ng dalawang hindi nakilalang suspek sa tapat ng bahay nito, kahapon ng umaga sa Quezon City.
Nasawi sanhi ng tatlong tama ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril ang biktimang si Anthony Yap, 38, residente ng Sorsogon St., Brgy. Nayong Kanluran, ng naturang lungsod.
Patuloy na naghahanap naman ng saksi ang pulisya na posibleng nakakita ng pangyayari at makakilala sa tumakas na mga suspek.
Sa inisyal na ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, na ganap ang pamamaril pasado alas-6 ng umaga sa tapat ng apartment nito sa nabanggit na lugar.
Nabatid na papasakay na ng kanyang kotse si Yap nang huminto sa tapat nito ang isang motorsiklo lulan ang dalawang gunman. Dito sunud-sunod na pinaputukan ng malapitan ng mga salarin si Yap at mabilis na tumakas sa hindi mabatid na direksyon.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni Homicide Section chief, Supt. Marcelino Pedrozo, anggulo ng love triangle‚ ang masusi nila ngayong tinututukan. Si Yap ay ang asawa ng dating sexy starlet na si Katrina Paula na nagretiro na sa pelikula.
Nabatid na nitong nakaraang Oktubre, pinaula nan din ng bala ng mga hindi nakilalang suspek ang kotse ni Yap sa tapat ng pag-aari nitong bar na Paradise Club at Metallica Club sa Quezon City.
Isang negosyante rin na hindi muna binanggit ng pulisya ang idinemanda ni Yap sa naturang insidente na siya ring hinihinalang nasa likod ng pamamaslang sa biktima. Napag-alaman na masugid umanong manliligaw ni Katrina Paula ang suspek na pilit na nanunuyo sa kabila na may-asawa na ito.