Sumiklab ang tensiyon sa harapan ng Gate 4 sa Camp Aguinaldo matapos na kuyugin at agawan pa ng baril ng mga raliyista mula sa militanteng grupo ng Bayan Muna ang isang Navy intelligence operative sa Quezon City kahapon ng umaga.
Isinugod sa Camp Aguinaldo Station Hospital ang biktimang kinilalang si Navy Petty Officer 3 Francis Gonzales, nakatalaga sa Intelligence ng Headquarters Support Command sanhi ng tinamo nitong mga pasa at galos sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Batay sa ulat, naganap ang insidente pasado alas-10 ng umaga matapos na magsipag-rally ang may 50 miyembro ng Bayan Muna Southern Tagalog sa Gate 4 ng Camp Aguinaldo.
Ayon sa ilang Military Police (MP) na nagbabantay sa naturang gate, humalo sa raliyista si Gonzales at pinakikinggan ang karaingan ng mga ito sa isinasagawang demonstrasyon.
Nabatid na ang demonstrasyon ng Bayan Muna Southern Tagalog ay bilang protesta umano sa mga paglabag sa karapatang pantao ng tropa ng militar.
Gayunman, sa kamalasan dahilan sa matikas na tindig at porma kahit nakasibilyan ay natunugan ng mga raliyista na hindi nila kasamahan ang nasabing sundalo na agad ng mga itong kinuyog.
Hindi pa nakuntento ay dinisarmahan rin ng mga raliyista ng kanyang cal. 45 pistol ang nasabing intelligence operative. Matapos na bugbugin ay hinayaan din ng mga demonstrador ang nasabing sundalo na makapasok sa loob ng gate ng naturang kampo.
Kaugnay nito, ayon kay Brig. Gen. Ireneo Espino, Camp Commander sa AFP General Headquarters, paiimbestigahan niya ang insidente upang masampahan ng kasong kriminal ang naturang grupo ng mga raliyista.
Idinagdag pa ni Espino na gagawin nila ang lahat upang mabawi ang baril na inagaw kay Gonzales ng mga kumuyog ritong mga raliyista. (Joy Cantos)