Empleyado ng Star biniktima ng killer truck

Isang empleyado ng Pilipino Star Printing Company ang namatay makaraang dalawang beses sagasaan ng isang trailer truck sa panulukan ng Apacible at Linao Streets, Paco, Manila kamakalawa ng hapon.

Kinilala ng Manila traffic investigator ang biktima na si Jechris Cepe, 29-anyos, na nalagutan ng hininga habang ginagamot sa Philippine General Hospital.

Agad namang sumuko ang driver ng pangkar­gamentong truck na si Reynaldo Gobres, 39 anyos, ng Quezon, Nueva Ecija.

Lumilitaw sa pangunang imbestigasyon na nagawa pa ni Cepe na makahingi ng tulong sa ibang mga tao sa naturang lugar makaraang sagasaan siya ng truck na may plakang TWD-124/PVP-877 at pag-aari ng Wells Cargo customs brokerage.

Pero, habang humihingi si Cepe ng tulong, inatrasan pa siya ng naturang truck bago mabilis na tumakas.

Lulan si Cepe ng kanyang motorsiklo patungo sa kanyang trabaho bandang alas-4:30 ng hapon nang banggain siya ng truck sa naturang lugar.

Nang bumagsak sa kalsada ang biktima, inatrasan pa siya ng trak. (Ed Amoroso)

Show comments