Nasa malubhang kalagayan sa pagamutan ang isang lalaking holdaper makaraang pagtulungan itong gulpihin ng taumbayan matapos na tangkaing holdapin ang isang gasolinahan kahapon ng madaling araw sa Marikina City. Kasalukuyang inoobserbahan sa Amang Rodriguez Medical Center ang suspek na si James Regulacion 24, ng Sto. Domingo, Quezon City.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-3:45 ng madaling-araw ng tangkaing holdapin ng suspek ang Caltex station na matatagpuan sa kahabaan ng A. Bonifacio Ave. Brgy. Tañong ng nasabing lungsod.
Armado ng patalim ay pinasok ng suspek ang booth ng cashier at tinutukan ng kutsilyo ang kaherong si Nathan Abel 26, at nagpahayag ng holdap.
Matapos na makuha ang kaunting kinita ng gasolinahan at cellphone ng biktima ay mabilis itong sumakay ng pampasaherong dyip para tumakas subalit hindi nasiraan ng loob ang biktima na agad humingi ng tulong sa mga kalalakihang nasa kalsada. Nagkaroon ng ilang minutong habulan hanggang maabutan ang suspek ng taumbayan at kuyugin. Natigil lang ang pambubugbog dito ng dumating ang rumespondeng pulisya at dahil sa tinding gulping inabot sa pagamutan ito idiniretso imbes sa presinto.
Nabawi naman ang pera at cellphone na nakuha ng suspek sa biktima. (Edwin Balasa)