Nahaharap sa kasong frustrated murder in relation to Child Abuse Act ang isang 46-anyos na ama na bumihag sa kaniyang tat long anak sa loob ng kanilang tahanan at pagsasaksakin ang mga ito sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Kasalukuyang ginagamot sa Metropolitan Hospital ang mga biktimang sina Monica Cruz, 12, na nagtamo ng saksak sa dibdib; JR Cruz, 13, na nasaksak sa braso at Mark Joseph Cruz, 14, tinamaan sa kili-kili, pawang residente ng #1143 Quiricada St., malapit sa panulukan ng Jose Abad Santos St., Tondo.
Kasalukuyang nakapiit sa Manila Police District-station 2 ang suspek na si Mario Cruz, walang trabaho.
Sa pahayag ni P/Supt. Jose Mario Espino, hepe ng nasabing istasyon, dakong alas-5:40 ng hapon nang magsimula ang pagho-hostage ng suspek sa kanyang mga anak sa loob ng kanilang bahay.
Mainit ang ulo nang dumating sa bahay ang suspek bunsod umano ng galit sa misis nitong walong taon nang namamasukan ng trabaho sa Estados Unidos. Ayaw umano itong kausapin sa telepono na ikinaburyong nito, base sa pahayag ng kaanak ng suspek na si Aling Pilar.
Nang pagdiskitahan umano ang mga anak ay pinagalitan ang mga ito subalit sumagot nang pabalang ang isa kaya kumuha ng kutsilyo at sinaksak ito sa braso, batay sa nakasilip na kapitbahay na nakarinig sa iyakan ng mga bata.
Mabilis umanong ipinagbigay alam ng isang kagawad ng barangay kay Punong Barangay Darwin Sia. Agad ring nakipag-ugnayan sa pulisya ang chairman hanggang sa rumesponde maging ang mga operatiba ng Special Weapons and Tactic kaya umabot lamang sa halos alas 7-pasado ng gabi nang mapasuko ang suspek.