Dahil sa kapabayaan umano ng mga doktor sa isang pampublikong ospital, nasawi ang isang 20-anyos na babae matapos na hindi umano agad inalis ang patay na sanggol na nasa loob ng sinapupunan nito kahapon sa Marikina City.
Ito ang alegasyon ng mga kaanak ng nasawing biktimang si Rosalie Delos Santos 20, residente ng Blk 8 Lot 18 Phase 1 Balubad Resettlement Site, Brgy. Nangka ng nasabing lungsod, sa kanilang ginawang reklamo sa Marikina Police laban sa doktor at pamunuan ng Amang Rodriguez Medical Center dakong alas- 11:30 ng umaga kahapon o isang oras pagkamatay ng ginang na biktima.
Base sa reklamo ng mga kaanak ni Delos Santos, pinabayaan umano ng mga tuminging doktor ang biktima dahilan upang mamatay ito sa inpeksyon.
“Alam na po nilang patay na yung baby, hindi pa nila inoperahan para mailigtas si Rosalie. Hinayaan pa nilang mamatay din,” saad ng mga kaanak.
Dinala ang biktima sa nasabing pagamutan dakong alas-6 ng gabi ng Biyernes upang ipa-check-up.
Lumitaw sa ultrasound na patay na ang sanggol sa sinapupunan ni Rosalie kaya agad siyang ipina-confine subalit wala umanong isinagawang operasyon para maalis ang patay na sanggol sa loob ng tiyan nito dahilan umano ng pagka-inpeksyon na ikinasawi nito.
Sinabi naman ni ARMC Director Dr. Ricardo Lustre na “seizure” ang ikinamatay ng biktima.
Idinagdag niya na hindi agad mabigyan ng medical treatment ang pasyente dahil mayroon itong pneumonia at high blood kaya kinailangan pa ng mga doktor na maghintay na umayos ang lagay nito bago sumailalim sa anumang paggagamot.
“Hospital usually do spontaneous delivery, induced delivery or Ceazarian operation if the baby in the womb is dead but doctors can’t do it because of their finding that the victim has severe eclamtic (highblood) namamaga pa ang paa at maraming na-diagnosed sa kanya which allegedly would be risky,” paliwanag ni Lustre base sa kanyang panayam sa mga sumuring doktor na tumingin sa biktima.
Subalit nangako ito na magsasagawa ng masusing imbestigasyon at kung nagkaroon ng pagkukulang sa panig ng ospital ay hindi siya nangingiming kasuhan ang mga dapat kasuhan.