Pinatay muna sa saksak ng isang mister ang kanyang misis bago niya sinaksak ang kanyang sarili matapos mawala ang kanyang katinuan dahil pinaghihinalaan niya na ang kanilang bunsong anak at ang biktima ay may relasyon kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.
Hindi na umabot ng buhay sa Valenzuela City General Hospital ang biktimang si Adelina dela Cruz, 58-anyos, sanhi ng mga tinamong saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Kasalukuyan namang inoobserbahan sa East Avenue Medical Center ang suspek na si Rodolfo dela Cruz, Sr., 63-anyos, ng #171 Marcelo St., Brgy. Malanday ng nabanggit na lungsod matapos nitong saksakin ang kanyang tagiliran.
Sa pahayag nina Leah Legacion at Michael dela Cruz, mga kaanak ng suspek, dakong alas-11 ng gabi nang marinig nila ang malakas na sigaw ni Adelina sa loob ng bahay nito.
Mabilis na tinungo nila ang tahanan ng biktima at pagsilip nila ay nakahandusay na ang kanilang Ate Adelina at puro dugo ang katawan.
Ayon kay PO1 Wennie Ann Cale, imbestigador ng Women’s and Children’s Concerned Desk ng Valenzuela Police, matapos na matiyak ni Rodolfo na wala nang buhay ang asawa ay nag-harakiri naman ito na sinaksak ang kanyang tagiliran.
Nabatid pa kay PO1 Cale, nawala ang katinuan sa pag-iisip ng suspek dahil naghinala ito na may relasyon ang bunso nilang anak na si Allan at ang kanyang asawa.