Lima katao kabilang ang isang 14-anyos na totoy na sinasabing responsable sa pamamaslang at pagnanakaw sa isang 86-anyos na lola ang nadakip makaraan lamang ang 12-oras matapos ang krimen sa San Andres Bukid, Maynila kamakalawa ng umaga.
Hawak na ng Manila Police District-Homicide Section ang mga suspect na kinilalang sina Najider Bangola, 20; Samandong Tiempo, 19; Abdul Cair, 18; Christian Ricafort, 18; at ang 14-anyos nilang kasabwat.
Nahaharap ang mga nabanggit sa kasong robbery with homicide kaugnay sa panloloob at pagpatay sa biktimang si Almodina de Ocampo, isang retired cashier ng San Andres Bukid, Maynila.
Sinabi ni C/Insp. Albert Peco, hepe ng MPD-Homicide Section, na unang natunton sa kanyang kuta si Bangola na sinasabing utak sa krimen kung saan ikinanta nito ang iba pa niyang kasamahan.
Narekober kay Bangola ang tatlong singsing at halagang P5,700 ng biktima. Itinanggi naman ng iba pang suspect na sangkot sila sa pagpatay sa matanda kundi sa pagnanakaw lamang.
Nabatid din na umabot sa P50-libo ang natangay ng mga suspect. Pinagplanuhan umano ni Bangola ang panloloob sa bahay ng matanda at kasabwat lamang ang apat.
Matatandaan na dakong alas-7 ng umaga noong Miyerkules nang nadiskubre ni Alice de Ocampo, anak ng biktima ang bangkay ng ina sa loob ng kuwarto nito na matatagpuan sa mezzanine ng kanilang bahay. (Ludy Bermudo)