Isang 86-anyos na lola ang natagpuang burdado ng saksak sa kanyang silid matapos looban ng pinaniniwalaang “Akyat-bahay gang” na posibleng mga bangag din sa iligal na droga, sa San Andres Bukid, Maynila, kahapon ng umaga.
Kinilala ang biktimang si Almodina de Ocampo, isang retired cashier ng Zapiro St., San Andres Bukid, na nagtamo ng walong tama ng saksak sa katawan.
Blangko pa ang pulisya sa pagkakakilanlan sa mga suspect.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-7:00 ng umaga nang matuklasan ni Alice de Ocampo, anak ng biktima ang krimen, nang mapuna niya na nakabukas pa ang ilaw ng kuwarto ng ina sa mezzanine floor gayung umaga na.
Aniya, papunta siya ng comfort room nang magising at inakalang gising na ang ina dahil nakabukas nga ang ilaw at bahagya ding nakabukas ang pintuan.
Nabulaga siya ng makita ang duguan at nakalugmok na ina habang nakakalat ang mga kagamitan nito at nawawala ang mga mamahaling alahas at P2,000. cash.
Anang imbestigador, sira ang padlock sa likurang bahagi ng bahay na pinaniniwalaang pwersahang binuksan ng mga suspect na kanilang dinaanan.
Nabatid na mahimbing na natutulog si Alice at kaibigan nito habang nasa kanyang silid ang biktima nang pasukin ng mga suspect.
Patuloy pa ang pagsisiyasat upang matukoy ang mga suspect.