Isang graduating student ng kursong criminology ang dinakip sa kasong snatching habang gamit ang motorsiklo na may sticker ng ‘MPD’, sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang suspect na si Raymond Antonio, part-time waiter, 23, 4th year student sa Philippine College of Criminology (PCCr).
Pormal na nagharap ng reklamo ang biktimang si Jose Fernando, 51, laban sa nadakip na suspect.
Ayon sa ulat, dakong alas-7:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa panulukan ng Taft Ave., at Padre Faura St., Ermita. Sinabi ni Fernando na habang nag-aabang siya ng sasakyan ay nilapitan siya ng suspect na sakay ng kulay itim na motorsiklo na may MPD sticker (XRM OT4922) at hablutin ang kanyang suot na Italian gold necklace na nagkakahalaga ng P5,000.
Napatumba ang biktima dahil sa pagkakahablot ng kanyang kuwintas. Sakto namang napadaan si PO3 Fernando Onli, ng MPD-GAS at hinabol ang suspect hanggang sa maabutan at maaresto ito. (Ludy Bermudo)