Binatikos kahapon ng ilang oposisyong konsehal ang bagong halal na majority floor leader ng Manila City Council na si 6th District Councilor Ernesto Rivera dahil sa pagtalikod at pagkudeta niya sa sarili niyang partido noong Oktubre 21.
Ayon kina 3rd District Councilors Letlet Zarcal at Joel Chua at 2nd District Councilor Marlon Lacson, pagtataksil ang ginawa ni Rivera sa partido para na rin sa pansariling interes umano nito.
Iginiit ng tatlong konsehal na ang ginawa ni Rivera ay indikasyon na wala umano itong ‘loyalty’ sa kanyang mga nasasakupan dahil mismong ang kanyang mga kagrupo ay pinabayaan nito.
Kamakalawa ay harap-harapang sinabi ni Lacson sa session hall na hindi nila gustong maging president pro tempore si Rivera kaya ginawa nila ang lahat ng paraan upang hindi ito magtagumpay. (Doris Franche)