Tinapatan ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) dealers ang isinagawang bigtime rollback ng big players nang magdeklara ito ng panibagong P4 rollback kada kilo o P44 sa 11 kg na cooking gas habang P2 naman kada litro sa tinda nilang autogas.
Matatandaan na nagpairal ng P6 bigtime rollback kada kilo o katumbas ng P66 kada 11 kilograms na tangke sa presyo ng LPG ang big player simula kahapon ng madaling-araw matapos na magpahayag ng P1 rollback ang LPGMA noong Lunes.
Ayon kay LPGMA President Arnel Ty ang rollback ay ipinatupad dakong alas-12:01 ng madaling-araw kanina.
Sa kabuuan umaabot na sa P10 kada kilo o P100 kada 11 kg na tangke ang ibinaba ng presyo ng LPG ng big three players gayundin ang grupo ng LPGMA simula ng nakaraang linggo.
Ang pagbaba ng presyo ng LPG ay bunsod na rin ng patuloy na pagbaba ng presyo ng contact price nito sa pandaigdigang merkado mula sa pinakamataas na $804 kada bariles noong buwan ng Marso ay bumagsak na lang ito sa $409 ngayong buwan.
Dahil dito, puwersahan ng sinabi ni Department of Energy Sec. Angelo Reyes na kailangang ibaba ng mga LPG dealaers ng hanggang 39 porsyento ang presyo nito sa lokal na pamilihan. (Edwin Balasa at Rose Tamayo-Tesoro)