7 pasahero sugatan sa driver na kaskasero

Pitong pasahero ang sugatan makara­ang tumagilid ang isang mini-bus nang mawalan ng kontrol ang driver nito sa sobrang bilis ng pagpapatakbo ka­hapon ng umaga sa Quezon City.

Isinugod sa Chinese General Hospital ang mga sugatang pasahero na na­kilalang sina Veronica Antonio, Alberto Chua, Myrna Marcelo, anak nitong si Crystal, An­tonio Alagdi, Felix Parale at Helen Solas.

Nakatakas naman ang driver ng na­aksidenteng BBSP mini-bus na may biyaheng Malinta-Sta. Cruz, Maynila.

Sa inisyal na ulat ng Quezon City Traffic Enforcement Unit-Sector 1, na­ganap ang aksidente dakong alas-7:30 ng umaga sa may A. Bonifacio Avenue, La Loma, Quezon City malapit sa Manila North Cemetery.

Ayon sa mga sugatan, sobrang bilis umano ng takbo ng naturang bus sa kabila ng sobrang pagsisiksikan ng mga pasa­hero. Dito umano nawalan ng balanse ang bus hanggang sa tumagilid sa kalsada. Masuwerte namang walang sumusunod na ibang sasakyan na bumangga sa bus.

Nabatid na matagal nang inirereklamo ng mga pasahero ang mga kaskasero at mga bulok na unit ng mga bus na may biyaheng Malinta-Sta. Cruz dagdag pa ang pagiging buwaya sa pasahero sa kalsada ng Gen. Luis street, sa Valenzuela sanhi ng lubhang trapiko. (Danilo Garcia)

Show comments