Kinampihan ng isang ma laking metro bus operators ang panukalang bigatan ang parusa ng mga abusadong drayber ng mga public utility bus (PUB) upang maging maingat ito sa pagmamaneho partikular sa kahabaan ng EDSA.
Ayon kay Integrated Metro Bus Operator Association (IMBOA) President Claire dela Fuente, kadalasang hindi iniisip ng mga drayber ang mga kasong isinasampa sa kanila kapag nakakadisgrasya dahil alam nilang kayang kaya silang tubusin ng kanilang mga amo.
“Kailangan magkaroon ng mahigpit ang parusa sa driver. Kadalasan minsan hindi masyadong iniintindi ng mga driver kasi sasabihin nila tutubusin sila ng amo nila, yan ang nangyayari riyan,”
Dagdag pa ni Dela Fuente, nasa mga kinauukulan na kung ano ang dapat na idagdag na parusa sa mga abusadong drayber partikular na sa mga bus upang matigil na ang malalagim na aksidente sa kahabaan ng EDSA.
“Ang mga mambabatas na ang bahalang magpasa ng mas mabigat na parusa para matauhan ang mga abusadong drayber na yan at matigil na ang paghari-harian nila sa EDSA,” saad ni Dela Fuente.
Matatandaang noong nakaraang All Saints’ Day ay isang Fermina Express bus ang bumangga sa isang Toyota Revo sa kahabaan ng North Luzon Expressway (NLEX) sakop ng Pampanga na ikinamatay ng lima katao at ikinasugat ng iba pa. Noong Oktubre 21 naman ay bumangga naman ang isang Joanna Jesh bus sa isang sasakyan na ikinamatay ng isang doktor sa kahabaan ng EDSA, Santolan, Quezon City.
Samantala, sa kasalukuyan bukod sa parusang suspendido ay restraining sa mga abusadong draybers ang ibinigay ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) kaya ayon kay Dela Fuente panahon na para sa mas mabigat na parusa sa mga ito. (Edwin Balasa at Angie dela Cruz)