Labinlima katao ang iniulat na nasugatan makaraang bumangga ang isang bus sa kasunod na bus matapos na makipagkarerahan umano sa isa pang bus kahapon ng madaling-araw sa kahabaan ng EDSA sakop ng Mandaluyong City. Hanggang sa kasalukuyan ay inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga sugatang biktima na isinugod sa magkakahiwalay na pagamutan sa nasabing lungsod.
Sa inisyal na ulat, naganap ang insidente dakong alas-5:30 ng madaling-araw sa kahabaan ng EDSA south-bound lane harapan ng SM Megamall ng lungsod na ito.
Nabatid na matulin umanong pinapatakbo ni Bernardo Saygo, drayber ng JRMS Transport bus ang dalang pampasaherong bus ng mawala ito sa giya at tuluyang sumalpok sa HM Liner bus. Dahil sa lakas ng pagkakasalpok ay sugatan ang 15 sa mga pasahero ng JRMS na agad na isinugod sa ospital ng mga rumispondeng ambulansya.
Sa presinto, sinabi ng mga pasahero ng JRMS bus na nakipagkarera umano ang drayber nito sa isa pang bus at paglagpas ng Ortigas Avenue ay hindi na nakontrol ng drayber nito ang manibela dahilan upang mabangga ito sa HM bus. Mariin namang itinanggi ng drayber ng JRMS na nakipagkarera siya sa isa pang bus at sinabing mabagal lang umano ang kanyang pagpapatakbo at hindi lang niya naiwasang mabangga matapos na iwasan umano ang isang humahagibis na bus. Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon para sa ikalilinaw ng kaso habang ito na ang ikaapat na aksidente sa kalsada na kinasasangkutan ng mga pampasaherong bus sa loob lang ng tatlong linggo. (Edwin Balasa)