Nabulabog ang tinatayang 1,000 empleyado ng isang call center matapos na makatanggap ng sunud-sunod na text messages ang isang kawani kaugnay ng nakatakdang pagsabog ng isang bomba na nakalagay sa nasabing guasali at nakatakdang sumabog kahapon ng madaling-araw sa Mandaluyong City.
Ayon kay SPO4 Demetrio Marero, team leader ng Eastern Police District-Explosive Ordnance Division (EPD-EOD), isang tawag ang kanilang natanggap dakong alas-11 ng gabi kamakalawa mula sa pamunuan ng Accenture Call Center na matatagpuan sa Cybergate Tower II sa kanto ng Pioneer St at EDSA Brgy. Ilaya Ibaba ng nasabing lungsod na pasasabugin umano ang nasabing gusali.
Nabatid na sunud-sunod na text messages ang natanggap ni Corazon Moscaso, site lead manager ng nasabing call center na dakong alas- 12:30 ng madaling araw ay may sasabog na bomba sa locker room ng 22nd floor ng nasabing gusali kung saan nandoon ang kanilang kompanya.
Agad na rumesponde ang puwersa ng EPD at Special Weapons and Tactics (SWAT) ng Mandaluyong police kasama ang limang K-9 dogs at maayos na pinababa ang mga empleyado ng nasabing call center at saka hinalughog ang nasabing gusali subalit negatibo ang resulta nito at walang nakuhang bomba makalipas ang ilang oras na paghahanap. (Edwin Balasa)