Patay na sanggol iniwan sa tricycle

Isang bangkay ng bagong panganak na sanggol na babae na inilagay sa isang timba at basta na lang iniwan sa isang nakapara­dang traysikel kahapon ng madaling-araw sa San Juan. 

Kasalu­kuyan ng pinaghahanap ng pulisya ang responsable sa pagtatapon ng bangkay ng sanggol matapos itong makita ng drayber na si Christoper Sison sa loob ng kanyang traysikel sa kahabaan sa Brgy. Batis ng nasabing lungsod.

Sa ulat, dakong alas-5 ng umaga nang magtungo si Sison sa traysikel upang bumiyahe nang makita nito ang berdeng timba na may lamang isang bagay na nakabalot pa sa plastic bag.

Nang tingnan nito ang laman ay laking gulat niya ng tumambad sa kanya ang isang sanggol na wala nang buhay at mayroon pang pusod kaya mabilis nitong ipinagbigay-alam sa pulisya ang pangyayari.

Dinala ang bangkay ng sanggol sa isang simbahan upang bendisyunan bago ilibing habang patuloy ang isinasa­gawang imbestigasyon para sa ikalilinaw ng kaso. (Edwin Balasa)

Show comments