Patay matapos masunog ang buong katawan ng isang doktor, habang apat katao pa ang sugatan makaraang magliyab ang kotseng sinasakyan ng una makaraang banggain ng isang humahagibis na bus sa EDSA-Santolan, Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Nakilala ang nasawi na si Dr. Francisco Moreno Sarabia, isang optometrist, habang kritikal naman at ginagamot sa St. Luke’s Medical Center ang pasahero nitong si Henny Garcia, 52. Ginagamot rin naman sa East Avenue Medical Center ang mag-asawang pasahero ng bus na sina Salvador at Ligaya de Guzman at konduktor na si Laurentino Betino.
Agad namang sumuko sa Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit ang driver ng Joanna Jesh bus na may plakang TYG-660 na si Martinito Madrid, 34. Tumanggi naman itong magbigay ng pahayag sa pulisya dahil sa payo ng kanyang abogado.
Sa ulat ng Quezon City Traffic Management Bureau, naganap ang aksidente dakong alas-3:16 ng madaling-araw sa northbound lane ng EDSA-Santolan. Nabatid na sakay sina Sarabia at Garcia ng Mercedez Benz na may plakang NFH-602 nang maipit sa humintong commuter bus na magsasakay ng pasahero sa bus terminal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Tinangka namang kumaliwa ng Benz kung saan dito na ito nabangga ng humahagibis na bus ng Joanna Jesh buhat sa likuran. Dahil sa lakas ng pagkakabangga, dalawang beses pa umanong umikot sa kalsada ang kotse ng may 25 yarda.
Isang taxi driver naman na nakasaksi sa insidente ang nagmagandang-loob na saklolohan ang mga sakay ng kotse. Nagawa nitong mailabas sa sasakyan ang walang malay na si Garcia at babalikan pa sana si Sarabia nang magliyab na ang kotse sanhi ng pagkakasunog ng biktima.
Sa inisyal na imbestigasyon, pinaniniwalaan na nakikipagkarerahan si Madrid sa isa pang bus ng Joanna Jesh na minamaneho naman ni Francisco Cunahap na naging dahilan ng aksidente.
Nagtungo rin naman sa QCPD si Cunahap na iginiit na hindi sila nagkakarerahan ngunit mabilis talaga ang kanilang takbo.