3 araw na kita ng gasolinahan naholdap

Tinatayang P300,000 kita sa tatlong araw na operasyon ng isang gasolinahan ang natangay ng dalawang armadong holdaper sakay ng motorsiklo sa isang empleyado na magde­deposito sa banko makaraang harangin ito at tutukan ng baril kahapon ng umaga sa Pasig City.

Base sa pahayag sa Pasig City police ng biktimang si Jamelio Mechilina, 41, empleyado, dakong alas 9;00 ng umaga habang sakay siya ng kanyang owner type jeep na may plakang DMV-627 upang idiposito sana ang dalang P300,000 na tatlong araw na kinita ng Flying V gasoline station sa Legaspi, Maybunga branch.

Nabatid na tinatahak nito ang kahabaan ng Market Avenue sa Barangay Maybunga nang bigla siyang harangin ng dalawang armadong kalalakihan na armado ng maiikling kalibre ng baril at pilit na pinahinto ang kanyang sasakyan.

Matapos na maihinto ng biktima ang sasakyan ay agad na bumaba ang isa sa suspek na nakaangkas sa motorsiklo at kinuha ang brown na backpack ng una na kinalalagyan ng pera.

Matapos makuha ang pakay ay mabilis na pinaarangkada ng mga suspek ang kanilang motorsiklo habang sinubukan pang humabol ang biktima subalit pinagbabaril lang ng mga ito ang sinasakyang owner.

Agad na humingi ng tulong sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang biktima na mabilis namang rumisponde subalit hindi na naabutan pa ang hinahabol. (Edwin Balasa)

Show comments