Publiko binalaan sa Gapos Gang

Muling nagbabala ang pamunuan ng Quezon City Police District sa publiko na lagyan ng sapat na seguridad ang kanilang mga bahay dahil sa pagiging aktibo ngayon ng Akyat-Bahay Gang at Gapos Gang dahil sa nalalapit na ang panahon ng Kapaskuhan.

Isinagawa ni Quezon City Police District-Theft and Robbery Section chief, Supt. Mar­celino Pedrozo ang panawagan matapos na suma­lakay na naman ang Gapos Gang sa dala­wang bahay sa Barangay San Antonio, ng nabanggit na lungsod kahapon ng madaling araw.

Isa naman sa apat na suspek ang nakilala ng mga biktima sa photo gallery na si Ruel Carilo, residente ng Brgy. Bagong Pag-asa, ng naturang lungsod. Isang operasyon na ang isinasagawa upang madakip ito at ang mga kasamahan.

Nabatid na unang pinasok ng mga magna­nakaw ang bahay ng biktimang si Jose Marucut, 70-anyos, sa #188 West Riverside street, Brgy. San Antonio kahapon ng madaling araw kung saan tinangay ang mga cellphones, alahas at iba pang mahahalagang gamit. Agad namang tumakas ang mga salarin matapos na igapos si Marucut at iba pang mga kasambahay.

Hindi naman nakuntento sa kanilang natangay, muling pinasok ng mga salarin ang bahay naman ni Dailinda Saludo, 28 anyos, sa naturang lugar rin kung saan tinangay ang P14,000 salapi at iba pang mahahalagang gamit.

Sinabi ni Pedrozo na maaaring mga “small time” na magnanakaw lamang ang mga ito ngunit mapanganib pa rin dahil sa maaaring pumatay ang mga ito kapag nagkaipitan. Pinayuhan na lamang ng opisyal ang publiko na tiyakin na sapat ang mga kandado ng kanilang bahay at kilalanin muna ang mga taong kumakatok sa kanilang pinto bago pagbuksan.

 Nararapat ring alamin ng mga may-ari ng bahay ang hotline ng PNP, QCPD at maaari ring tumawag sa Patrol 117 sa oras ng emer­gency tulad ng pagpasok ng mga magna­nakaw. (Danilo Garcia)

Show comments