Masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng Manila Police District (MPD) laban sa dalawang umano’y pulis na bumaril sa isang 12-anyos na binatilyo, sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Nagtamo ng tama ng bala sa hita at kasalukuyang ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktimang si Rogen dela Cruz, out-of-school youth, at residente ng Tindalo St., Tondo .
Batay sa nakalap na impormasyon ng MPD-station 2, isang “Domeng Olarte”, na isang pulis umano at residente ng Alvarez St., Tondo at isa pang pulis na hindi nakilala ang mga suspect sa pamamaril.
Ayon sa ulat, dakong -2:40 ng madaling-araw nang maganap ang pamamaril sa panulukan ng Mayhaligue at Narcisa Rizal Sts., Tondo.
Nabatid na habang nakikipagkwentuhan ang biktima sa grupo ng mga kabataan, dumating ang dalawang suspect na sakay ng tig-isang scooter at biglang niratrat ang mga kabataan.
Ayon sa ulat, nang makitang dumarating ang dalawang pulis ay biglang nagpulasan ang mga kabataan subalit hinabol umano ng mga suspect at pinaputukan na nagresulta sa pagkakabaril sa biktima.
Blangko pa sa motibo at tunay na pagkilanlan sa mga suspect ang pulisya. (Ludy Bermudo)