Tahasang sinabi ni Manila 3rd District Councilor at Majority Floor Leader Manuel Zarcal na dapat lamang na i-phase out na ang mga medical equipment na may mercury sa mga government hospital sa Maynila matapos na magpalabas ng Administrative Order ang Department of Health hinggil dito.
Ayon kay Zarcal, dapat lamang na agad na sumunod ang mga government hospital dahil ang kalusugan ng bawat Manileño ang nakasalalay dito.
Una nang nagpalabas ang DOH ng administrative order (AO) No. 2008-0021 na unti-unting nagtatanggal sa mga health care facilities ng mercury medical devices.
Subalit sa pahayag ng Health Watch Coalition kamakailan, lumilitaw na anim pang pampublikong ospital sa bansa ang gumagamit ng “old-fashioned thermometer” at sphygmomanometer na ginagamit naman sa pagkuha ng blood pressure.
Maliban sa mga ospital, ilang dental center din sa bansa ang gumagamit ng mercury amalgam.
Dahil dito, sinabi ni Zarcal na posibleng hilingin niya sa Committee on Health ng konseho ng Maynila na magsagawa ng inspeksiyon upang malaman kung alin pang ospital sa Maynila ang gumagamit ng mga kagamitan na may mercury.
Ang mercury ay isa uma nong highly toxic at maaaring makamatay kung masisinghot at delikado sa balat ng tao. May masama itong epekto sa nervous, digestive, respiratory, immune systems at kidney at posibleng maging dahilan ng lung damage. (Doris M. Franche)