200 kahon ng gatas sinamsam sa Maynila

Umaabot sa halos 200 kahon ng gatas na nag­positibo sa melamine sa pagsusuri ng Bureau of Food and Drugs (BFAD) ang kinumpiska ng Manila City Hall-Manila Health Departmet ma­tapos na makita pa ito sa tanggapan ng importer nito sa Binondo, Maynila.

Kasabay nito, ipapasuri ni Acting Manila Mayor Francisco Moreno ang tatlong milk-based products kabilang na dito ang Jolly Cow Evapo­rada, Jolly cow condensed milk at Jolly Cow Sterilized.

Agad na binawi ni Moreno kasama si MPD Station 11 chief, Supt. Nelson Yabut ang mga ka­hon ng Jolly Cow Slender High Calcium Low Fat Milk na 1 liter at 250 liter matapos na makita ito sa tanggapan ng Fly Ace Corporation sa #607 Elcano St. Binondo Maynila.

Ayon kay Moreno, hindi umano nakasisiguro ang publiko na ibabalik ng mga importer sa manu­facturer ang nasabing gatas dahil isinasaalang-alang din ng mga ito ang kanilang pagkalugi.

Posible umanong ibenta ito ng mas mura ng mga importer sa ibang lugar o liblib na probinsiya na walang   impormasyon hinggil sa epektong dulot ng melamine. Bunga nito, agad na kinum­piska ang mga gatas at ilalagak pansamantala sa tanggapan ng Sanitation Division ng city government.

Samantala, umaabot naman sa 16 na super­market sa Maynila ang pinagbabagsakan ng Fly Ace Corp. ng Jolly Cow Slender High Calcium Low Fat Milk.  

Ipinaliwanag naman ni Mike Villanueva, mar­keting manager ng Fly Ace Corp., na agad nilang binawi ang mga nasabing gatas matapos na ilabas ng BFAD ang resulta nito na positibo ito sa melamine. Maari namang ibalik ng mga con­sumers ang kanilang mga biniling gatas na positibo sa melamine kung saan maaaring palitan o ibalik ang kanilang pera. (Doris Franche)

Show comments