Isang pulis-Maynila ang inaresto matapos kuyugin ng taumbayan dahil sa panghahablot ng shoulder bag ng isang kawani ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), sa tapat ng gusali ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa Malate, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Nakilala ang nadakip na parak na si PO2 Abraham Mamicao, nakatalaga sa MPD-Station 9 at residente ng Lardizabal St., Sampaloc, Manila. Nahaharap siya sa kasong attempted robbery at posibleng masampahan din ng kasong administratibo.
Bunsod ito sa reklamong iniharap ni Ivy Maria Cinco, 30, dalaga, government employee, ng Corporate Affairs Office ng BSP sa Mabini St., Malate.
Ayon sa ulat , dakong alas-2:20 ng madaling araw nang hablutin umano ng nasabing pulis ang shoulder bag ni Cinco, sa harapan ng PAGCOR sa panulukan ng Roxas Blvd., at D. Quintos St., Malate habang kasama ng biktima ang boyfriend nitong turista.
Sa reklamo, sinabi ni Cinco na habang naglalakad siya at ang nobyong si Bruce Gore Miller, 51, isang dayuhan nang hablutin umano ng suspect na sakay sa Honda wave na mo torsiklo ang kanyang dalang bag na naglalaman ng Nokia N95 cellphone at wallet na may P3,600. cash.
Pilit umanong nakipag-agawan ng biktima habang ang boyfriend niya umano ay hawak na ang kamay ng suspect kaya bumagsak umano ang huli. Dahil sa komosyon na nakita ng nakatalagang security guards, ay mabilis itong sumaklolo kasabay ng mga usiserong bystanders na nagtulong-tulong na bugbugin ang suspect. (Ludy Bermudo)