Patay ang tatlong holdaper makaraang mabistay ng bala sa engkuwentrong naganap sa pagitan ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) matapos na holdapin ng grupo ng una ang isang gas station at isang kainan, kahapon ng madaling araw sa Quezon City.
Isa sa mga nasawi ang nakilala na si Ryan Gregorio, ng Sto. Niño, Palawig, Zambalez habang wala pang pagkakilanlan sa dalawa pang suspek na napatay.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, dakong alas-3:30 ng madaling-araw nang maganap ang habulan at palitan ng putok sa kahabaan ng Tandang Sora Avenue, Brgy. Culiat, ng naturang lungsod.
Nabatid na unang hinoldap ng tatlong suspek ang Goodah foodhouse sa may Tandang Sora kung saan tinangay ang 2 cellphone at P2,500 cash buhat sa kaha.
Dahil sa hindi kuntento sa kita, hinoldap rin ng grupo ang katabing Sea Oil gas station kung saan P3,000 kinita naman nito ang pinagtiyagaan ng mga suspek.
Papatakas na ang mga suspek patungo sa kanilang mga motorsiklo nang maispatan ng rumorondang mobile patrol unit ng District Police Intelligence Unit. Dito nagkaroon ng maigsing habulan hanggang sa magkaputukan ang magkabilang panig.
Agad na nasawi ang mga suspek dahil sa tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang narekober rin ang mga kalibre .38 baril at identification card sa isang suspek na may pangalang Ryan Gregorio.
Ayon sa DPIU, matagal na nilang isinasailalim sa surveillance operation ang naturang grupo na nag-ooperate sa Central Luzon, at mga karatig-lungsod tulad ng Quezon City.