Isang 41-anyos na bebot na pinaniniwalaang miyembro ng “Salisi gang” ang ipinadakip ng dalawang out-patient ng PGH matapos silang makuhanan ng cash, cellphone at alahas sa Ermita, Maynila, kahapon ng umaga.
Inaresto ng security guard ng PGH ang suspect na si Marites Reyes, ng Soledad St., Kawit, Cavite at tuluyang ipinagharap ng pormal na reklamo sa MPD-Station 5 ng mga biktimang si Anna Marie Largada, 23; at Lenita Cuero, 40.
Sa imbestigasyon, dakong alas-9 ng umaga nang maganap ang insidente sa OPD department ng pagamutan.
Sa salaysay ni Largada, namukhaan niya ang suspect nang muli niya itong makita habang binibiktima sa loob ng comfort room si Cuero, na tulad din ng kanyang sinapit noong nakalipas na Setyembre 26, 2008, kung saan natangayan siya ng P5,000 cash, alahas at cellphone, bandang alas-9 ng umaga.
Modus operandi ni Reyes na kaibiganin ang mga nagpapa-check-up na pasyente at kung palagay na ang loob ay yayain na samahan siyang magpunta sa CR. Habang nasa loob ng CR ang bibiktimahin ay gagawa ng paraan ang suspect na iwan sa kanya ang mga gamit at sasamantalahin ang pagkakataon upang tangayin ito.
Aminado naman ang security guard na si Rico Mates na maraming salisi sa PGH, batay sa rekord na hawak nila. ( Ludy Bermudo)