Isang 80-anyos na lola ang iniulat na nasawi makaraang mabagsakan ng nagliliyab na kisame buhat sa nasusunog nitong bahay kahapon ng hapon sa Quezon City. Nasawi dahil sa tinamong supokasyon at sugat sa pagbagsak ng kisame ang biktimang si Virginia Soon Tan. Nabatid na natusta rin ang katawan nito bago narekober ng mga bumbero ang bangkay.
Sa inisyal na ulat ng Quezon City Fire District, dakong alas-2 ng hapon nang sumiklab ang sunog sa bahay ng isang Henry Soon sa #15 Balabac Street, Brgy. Doña Imelda, ng naturang lungsod. Umabot sa ikalawang alarma ang sunog at nagawang maapula ng mga pamatay-sunog dakong alas-3:41 ng hapon.
Sa imbestigasyon, nabatid na nagmula ang apoy sa sumiklab na telebisyon sa kanilang sala. Nabatid na unang sumingaw ang usok sa refrigerator na nakasaksak sa parehong outlet ng telebisyon. Sinabi ni Maria Fe Faeldonia, 36, yaya ng nasawi, na tinangka pa niyang iligtas ang matanda ngunit hindi na niya nakayang buhatin ito dahil sa matinding usok. Tinangka rin naman na iligtas ng pamangkin ng biktima na si Monching ngunit hindi na rin nagawa matapos na mapaso ito ng apoy.
Nauna dito, dakong ala-1 ng madaling-araw nang sumiklab rin ang apoy sa isang apartment unit sa #15 Yakal street, Cypress Village, Brgy. Apolonio Samson, Balintawak ng naturnag lungsod. Nag-umpisa ang sunog sa bumagsak na kandila sa basurahan. Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente. (Danilo Garcia)