Tinatayang P1 milyon pisong halaga ng high grade marijuana bricks ang nasabat ng mga operatiba ng Manila Police District kasabay ng pagkakaaresto sa isa sa mga suspek sa Port Area, Manila kamakalawa ng gabi.
Kasalukuyang ginagamot sa Gat Andres Bonifacio Hospital sanhi ng tama ng bala sa katawan ang suspek na si Raul Molina, 42, vendor ng gate 6 Pier South, Port area samantalang naaresto naman ng pulisya at kasalukuyang nakapiit sa MPD station 2 detention cell ang kasama nitong si Lino Sabino, 48, ng Lot 2 Blk., Baseco compound Tondo.
Naaresto ang mga suspek sa Berth 5, Manila International Container Terminal, Parola Tondo, Manila.
Tinangka pa umanong magpaputok ng baril ni Molina laban sa mga rumespondeng pulisya subalit nagpaputok din ang pulisya na nagresulta sa kanyang pagkakasugat at pagkakaaresto ng mga ito.
Nabatid na inarkila umano ni Molina ang Bangka ni Sabino sa halagang P1,500 para ihatid ang tatlong tra velling bag nito na naglalaman ng 100 kilo o 90 bricks na high grade na marijuana sa daungan ng mga barko sa MICT. (Gemma Garcia)