Matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Welcome Rotonda Quezon City ang naging resulta nang isinagawang kilos protesta ng militanteng transport group na Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) at mga non-governmental organization sa pangunguna ng Confedaration for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) para kondenahin ang di-umanoy palpak na mga pata karan ng gobyerno na nagdudulot lamang ng ibayong kahirapan sa taumbayan.
Sinabi ni George San Mateo, Secretary general ng Piston, ang kanilang hakbang ay isang uri ng pagpaparating ng kanilang sentimiyento sa pamahalaang Arroyo na maibaba ang halaga ng petroleum products na hanggang P45 kada litro at ibasura na lamang ang 12% EVAT sa langis.
Ayon kay San Mateo, hindi sila titigil sa kanilang pagkilos hanggat hindi naipagkakaloob ng pamahalaan ang kanilang demands.
Kaugnay nito sinabi ni Ferdinand Gaite, national President ng Courage, dapat na muling pag-aralan ng gobyerno ang ipinatutupad na mga patakaran ng pamahalaan para sa kapakanan ng taumbayan at pagtanggal sa buwis sa langis, bilihin at serbisyo dahil lalo lamang itong nagpapahirap sa mamamayang Pilipino.
Bukod dito, giniit ni Gaite na ang pagpapatigil sa pagsasapribado ng mga pag-aari at ahensya ng gobyerno ay nagdudulot lamang ng malawakang sibakan sa trabaho at ang pagbaba ng kalidad sa serbisyo publiko ng gobyerno. (Angie dela Cruz)