Pinaiimbestigahan ng Department of Health (DOH) ang isang public high school sa lungsod Quezon na kung saan maraming mag-aaral dito ang nakitaan ng sintomas ng dengue.
Bunsod ito ng nakarating na ulat kay Health Secretary Francisco Duque III hinggil sa pagtaas umano ng bilang ng mga mag-aaral sa Ramon Magsaysay High School sa Cubao, Quezon City na hinihinalang nagtataglay ng dengue nitong mga nakalipas na linggo.
Sinasabing marami sa mga estudyante ang isinusugod sa klinika ng paaralan at kinakikitaan ng dengue symptoms, kaya’t kaagad itong inaksyunan ng kalihim.
Pinaalalahan ni Duque ang mga guro at opisyal ng mga pampublikong paaralan na tiyaking malinis ang kapaligiran ng paaralan upang maiwasang pamugaran ng dengue mosquitoes.
Kasabay ng inaasahang pagtaas ng kaso ng dengue, pinayuhan din ng kalihim ang publiko sa posibleng pagtaas ng mga kaso ng may sipon, ubo at lagnat dahil sa pabagu-bagong panahon at temperatura.