Droga ang isa sa sinisilip na dahilan ng pagkakapaslang sa isang buntis kahapon ng madaling-araw matapos itong tadtarin ng bala sa ulo at katawan ng hindi pa kilalang salarin habang naglalakad sa kahabaan ng Sitio Mapayapa sa lungsod ng Pasig kung saan nadiskubre ang shabu tiangge ilang taon na ang nakakalipas.
Kinilala ang biktima na si Virgie Yu, alyas Angie Hajonoor, 32, tatlong buwang buntis at residente ng Sitio Mapayapa Comp, Brgy. Sto. Tomas ng nasabing lungsod, ito ay nagtamo ng maraming tama ng bala ng baril sa ulo at katawan.
Ayon sa ulat ng pulisya, dakong alas-12:05 ng madaling-araw ng maganap ang insidente habang papauwi na umano ang biktima sa kanilang bahay at binabagtas ang kahabaan ng Mapayapa Compound.
Bigla na lang umanong nakarinig ng sunod-sunod na putok ng baril ang mga residente nang silipin nila ang pinagmulan ay nakita nila ang biktima na nakabulagta na sa kalsada habang papaalis na ang hindi pa kilalang suspek na naglakad lang at parang walang nangyaring anuman.
Nakakuha ang PNP-SOCO ng siyam na basyong bala ng kalibre .40 baril sa lugar, gayundin ang timbangan umano ng shabu, plastic sachet at ilan pang mga paraphernalia nito.
Matatandaang may dalawang taon na rin ang nakalilipas ay sinalakay ng mga otoridad ang nasabing lugar na sinasabing shabu tiangge kung saan mahigit sa 300 katao ang naaresto at ilang kilo ng nasabing droga ang nakuha sa raid.
Patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya para sa ikalulutas ng kaso. (Edwin Balasa)