Apat na pinaniniwalaang mga holdaper/ carjackers lulan sa dalawang motorsiklo ang napatay ng mga tauhan ng Quezon City police matapos ang naganap na shootout kamakalawa ng gabi sa may Commonwealth ng nabanggit na lungsod.
Nakilala ang mga napatay na suspek sa pamamagitan ng kanilang ID na sina Dominic Torres, 43; Bernard Salibio, 29; Bernardo Requero, 31; at Wilbert Ricafort, pawang residente ng Sitio Galas, Balasing, Sta. Maria, Bulacan.
Ayon sa ulat, naganap ang shootout dakong alas-11:40 ng gabi sa kanto ng Bicol-Leyte at San Pedro Streets, Brgy. Commonwealth, Quezon City.
Nabatid pa sa report na kasalukuyang nagsasagawa ng “Oplan Sita” ang mga tauhan ng QCPD Anti-carnapping unit sa kahabaan ng Commonwealth Avenue nang maispatan ang apat na suspek sakay ng dalawang motorsiklo patungo ng Quezon City Memorial Circle.
Kaagad na pinara ng mga pulis ang naturang mga suspek pero sa halip na huminto ay mabilis na pinasibad ang kanilang mga sasakyan patungo ng Villongco St. kaya’t hinabol sila ng mga awtoridad.
Habang tinutugis ang mga suspek nagpaputok ang mga ito sa direksyon ng mga pulis kayat napilitang gumanti ng putok ang grupo ng huli.
Matapos ang maikling gunbattle bumulagta ang apat na suspek habang nakatakas naman ang dalawa pang kasamahan ng mga ito.
Narekober sa crime scene ang M26 fragmentation grenade, 3 .38 caliber revolvers at 12-gauge shotgun.
Malaki ang paniwala ng pulisya na maaaring nag-aabang ang mga suspek ng kanilang panibagong bibiktimahin nang maispatan ng mga pulis.