Dalawang namumuong sama ng panahon, na ang isa ay posibleng maging isang ganap na malakas na bagyo ang namataan sa Mindanao. Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), ang unang sama ng panahon ay isang ‘shallow low-pressure area’ sa may Surigao.
Ang ikalawang namumuong sama ng panahon ay isang low-pressure area naman na tinatayang nasa layong 850 kilometro ng silangan ng Mindanao. Ang LPA, na kung magiging ganap na bagyo ay tatawaging Niña na pinag-iibayo ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) kaya’t magiging maulan sa Visayas at Mindanao. Kaugnay nito, anim hanggang pito pang bagyo ang papasok sa bansa sa natitirang buwan ng taong 2008. Muli, nagbabala ang Pagasa na ang mga darating pang mga bagyo ay mapaminsala. Sinabi ni Nathaniel Cruz, weather bureau chief ng PagAsa, ang mga bagyo ay posibleng kasing lalakas ng mga bagyong Reming at Milenyo na itinuring na bumayo sa bansa noong 2006 kaya’t ang lahat ay pinag-iingat. (Angie dela Cruz)