Isang malalimang imbestigasyon ang isinasagawa ng Manila Police District (MPD) sa kaso ng pagnanakaw at pagpatay sa isang 43-anyos na balikbayang negosyante na natagpuang patay sa loob ng kanyang kotse sa Sta. Mesa, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Pinaniniwalaang pinagnakawan ng malaking halaga at diamond ring ang biktima.
Nakilala ang biktima na si Froilina Fang, pansamantalang nanunuluyan sa Acacia Bldg., Hamspted Garden, V. Mapa Extn., Sta. Mesa, Manila na may mga saksak sa katawan.
Blangko pa ang awtoridad sa pagkilanlan sa suspect o mga suspect. Sa ulat ni Det Edmundo Cabal ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong alas-11:20 ng gabi nang madiskubre ang biktima sa loob ng kanyang Toyota Revo na may plakang XCY- 516 habang nakaparada sa kanto ng Dupil At Aliw-iw Sts., Morning Side Subd., V. Mapa, Sta. Mesa, Manila.
Nabatid na isang Sonny Dineros, security guard ng subdivision, ang nakapansin sa nakahimpil na kotse kaya inalam niya kung bakit nakaparada ito doon at dito nabatid ang wala nang buhay na biktima. Tadtad ng saksak sa katawan ang biktima nang matagpuan.
Nakuha sa kotse nito ang resibo na nagpapalit ito ng Japanese Yen sa isang money changer. Nabatid sa imbestigasyon na unang nakitang kasama ng biktima ang isang family friend na si Joseph “Sonny” Sapelino na dumalaw sa may sakit nitong ina sa Lourdes Hospital sa Sta. Mesa.
Bandang ala-1:30 ng hapon nang mag-iwan ng pera ang biktima kay Sapelino upang ibigay umano sa kanyang kapatid dahil pupunta muna ito sa isang money changer sa Kalentong upang magpapalit ng Yen.
Ayon sa kapatid na si Michael Fang, nawawala ang diamond ring at 90,000 Japanese Yen ng biktima. Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso. (Ludy Bermudo)