Itataas ng mga water concessionaires ng P0.31 cubic meters ang singil nila ng tubig simula Nobyembre ng taong ito dahil sa pagbagsak ng halaga ng piso laban sa dolyar. Ayon sa Ayala Manila Water Co., Inc. at Consunji Maynilad Water Services, ang pagtaas ng halaga ng singil sa tubig ay base na rin sa panuntunan ng Foreign Currency Differential Adjustment. Gagawing P0.18 per cubic meter ang itataas sa singil sa tubig ng Manila Waters at Maynilad Waters mula sa kasalukuyang presyo na P0.13.per cubic meters o lumalabas na P0.31 per cubic meter na dagdag sa singil sa tubig. (Angie dela Cruz)
Gym nasunog
Isang gymnasium sa Grace Christian College sa Barangay Balingasa, Quezon City ang tinupok ng apoy kahapon ng madaling-araw. Hindi naman nadamay ang mga silid-aralan ng pribadong paaralan at walang nasaktan sa insidente. Hinihinalang nag-short circuit ang isang poste ng kuryente sa tabi ng gym dahil nakitang nagsiklaban ang mga kable nito bago nagkasunog. (Danilo Garcia)
2 tiklo sa rape
Isang binata at isang ama ang inaresto at ikinulong ng pulisya dahil sa magkakahiwalay na kasong panggagahasa sa Caloocan City at Valenzuela City. Si Mark Anthony Arce, 19, ay inakusahang gumahasa sa kanyang 43-anyos na kapitbahay na misis sa Sta. Rita, Tala, Caloocan kahapon ng madaling-araw. Sa bisa naman ng arrest warrant na ipinalabas ng isang korte, nadakip ng pulisya si Felipe Alcantara, 59. tricycle driver, sa bahay nito sa Valenzuela City makaraang magtago ng matagal sa kasong panggagahasa umano niya sa isa niyang anak na babae. (Lordeth Bonilla at Ricky Tulipat)