Sa ika-apat na pagkakataon, muli na namang umatake ang malaking grupo ng sindikato na nanloloob sa mga establisimento suot ang uniporme ng PNP-Special Weapon and Tactics (SWAT) matapos na pasukin ang kompanya ng R & E taxi sa lungsod ng Caloocan, kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay Senior Supt. William Macavinta, aabot sa 20 kalalakihang armado ng matataas na kalibre ng armas tulad ng kalibre .45 at M-16 armalite rifles ang umano’y nangholdap sa nasabing kompanya na matatagpuan sa Brgy. Baesa, sa lungsod.
Sinasabing ala-1:30 ng madaling-araw nang pasukin ng grupo ang kompanya matapos na sabayan ng mga ito ang ilang taxi driver na papasok sa loob ng compound. Sakay ang mga suspect sa isang Toyota Revo at Mitsubishi Adventure at agad na dinisarmahan ang mga nakatalagang guwardiya rito.
“Malalakas talaga ang puwersa ng grupo at alam nilang may malaking halagang makukuha sa kompanya dahil, bukod kasi sa 15 suspek na nasa loob ng compound, may 5 pang back up ang mga ito sa labas na nagbabantay sa posibleng pagdating ng pulis,” ayon kay Macavinta.
Ayon sa ulat, nang mapasok ang compound ay pinalabas ng mga suspek ang ilang tauhan dito, bago tinungo ang cashier’s office at tinangay ang salaping ingreso ng mga driver.
Sinabi ni Macavinta, hindi umano nalalaman ng sindikato ang mismong vault ng kompanya, kung kaya pinagdiskitahan na lamang ng mga ito ang perang kinita ng mga driver dito. Tumagal ng halos 15 minuto, bago tuluyang tumakas ang mga suspek sakay ng kanilang mga gate away vehicle.
Dahil may mga nakalagay na closed circuit television (CCTV) cameras sa compound, ayon sa opisyal ito ang pagbabatayan nila sa imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspect.
Sisiyasatin din ng opisyal kung ang grupo din ang nasa likod ng pagpasok kamakailan sa NFA warehouse sa Valenzuela City; Zesto/RC plant sa Quezon City; at Mayer Steel Corporation sa Valenzuela City na tulad nito ay nakasuot din ng uniporme ng SWAT.