Nagbanta ng malawakang transport holiday ang militanteng transport group na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) kung hindi gagawin ng mga dambuhalang kompanya ng langis na maibaba sa P11 ang presyo ng produktong petrolyo.
Ayon kay Goerge San Mateo, Secretary General ng Piston, kulang ang P1.00 oil price rollback na ginawa ng Big Three Oil Companies kahapon dahilan sa bumaba na sa $110 ang presyo ng langis sa world market.
Anya, ang pa piso- pisong rollback sa presyo ng produktong petrolyo ay hindi katanggap tanggap sa kanilang hanay.
Gayunman, sinabi ni San Mateo na ang naturang hakbang ay kanilang masusing pinag- aaralan sa ngayon para sabay-sabay ang lahat ng miyembro ng kanilang hanay na makapagsagawa ng nationwide na pagkilos.
“Sa ngayon ay naghihintay tayo ng tugon mula sa dambuhalang oil companies at gobyernong Arroyo sa ating kahilingang magpatupad ng malakihang rollback na P11. Maaari naman itong hatiin sa dalawang malaking rollback na P7 at P4 upang mabuo ang P11 rollback. Subalit ang papisu-pisong rollback ay hindi katanggap-tanggap,” pahayag ni San Mateo.
Binigyang diin pa nito na ang kasalukuyang P54 na halaga ng diesel ngayon sa lokal na merkado ay overpriced dahil ang tunay na presyo dapat nito ay nasa P44 kada litro. (Angie dela Cruz at Rose Tamayo-Tesoro)