Tinodas ng kabaro ang isang 31-anyos na basurero nang nakawan umano ang una ng kartong pinulot sa basura sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Jimmy Badidles, binata, ng Block 1 Baseco Compound, Port Area, Maynila bunga ng tinamong saksak sa hindi pa nakilalang suspect na isa ring basurero.
Ayon sa ulat, dakong alas-4 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa harapan ng Azcarraga Textile Bldg. sa 561 C.M. Recto,Tondo.
Nabatid na ala-1 ng madaling-araw nang magsimulang mamulot ang biktima sa Divisoria ng mga karton at plastic upang ibenta at bandang alas-4 ng madaling-araw ay napansin na lamang umano itong tumatakbo at duguan hanggang sa bumagsak sa tindi ng tama ng saksak sa katawan.
Sinabi ng imbestigador na nagalit ang suspect nang nakawin ng biktima ang nakolektang karton kaya ito sinaksak. (Ludy Bermudo)