Na-demote o ibinaba ang ranggo ng isang pulis-Maynila matapos nitong pagnakawan ng halik ang isang magandang kagawad ng barangay sa Sampaloc, Maynila.
Batay sa ipinalabas na resolusyon ng People’s Law Enforcement Board (PLEB) na may petsang Agosto 15, napatunayang nagkasala si dating PO2 Luis Gonzales, na ngayon ay isa na lamang Police Officer 1 nang yakapin nito at halikan si Catherine Ann Buco, kagawad sa Sampaloc, Maynila.
Nag-ugat ang kaso nang nagtungo si Buco sa nasabing police station kung saan inaayos nito ang paglaya ng kanyang asawa na unang inaresto sa kasong “drinking alcoholic beverages in public places”.
Sa puntong ito umano niyakap at pinaghahalikan sa labi at leeg ng suspect ang biktima.
Nagsumbong naman si Buco sa kanyang tiyuhin na isang barangay chairman at nagsampa ng reklamo sa MPD-General assignment Section.
Sa resolusyon, mas binigyan pabor ng PLEB si Buco matapos na mabigo ang suspek na makapagbigay ng matibay na ebidensiya na kaya lamang nagrereklamo ang biktima dahil hindi umano niya (Buco) napagbigyan na iurong ang kaso ng kanyang asawa.
Napatunayan din ng PLEB na hindi rin umano nirespeto ni Gonzales ang korte nang balewalain nito ang mga abiso at summons kung kaya’t ipinatawag ito ng PLEB.