Tumangging lisanin ni Manila City Jail warden Supt. Emilio Culang ang kanyang puwesto sa kabila ng pagsibak sa kanya ng kanyang mga superyor kung saan iginiit nito na ang pamunuan lamang ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang may kapangyarihang magtanggal sa kanya.
Sinabi naman ni Culang na kusa siyang lilisan sa Manila City Jail, ang pinakamalaking city jail sa bansa, kung magpapalabas ng opisyal na kautusan ang DILG. Nagkaroon rin ngayon ng kalituhan at pagdududa sa inilabas na kautusan ng pamunuan ng BJMP matapos na makakalap ng dokumento na may petsang Agosto 21, 2008 na opisyal na tinanggal sa MCJ si Culang. Dalawang araw ito bago maganap ang riot nitong Agosto 23.
Una nang ikinatwiran ni BJMP chief, Director Rosendo Dial na tinanggal si Culang sa MCJ upang bigyang daan ang malayang imbestigasyon ang naganap na riot kung saan nasawi ang isang bilanggo at malubhang nasugatan naman ang isa pa.
Iginiit naman ni Dial na posibleng nagkaroon lamang umano ng “typographical error” sa inilabas niyang Special Order (SO) 2008-90. Sinabi rin nito na walang politika o palakasan sa naganap na pagpapasibak kay Culang kahit na kaklase niya ang humaliling si Supt. Hernan Grande sa Philippine Military Academy batch 86.
Sa nakalap na dokumento, mapapansin na magkaiba ang lagda ng signatory official na si Sr. Supt. Allan Iral, Director for Human Resource and Management ng BJMP sa nakuhang iba pang dokumento buhat sa DILG.
Sa kasalukuyan, hindi pa rin nililisan ni Culang ang kanyang opisina sa Manila City Jail habang si Grande naman ang kinikilala ng pamunuan ng BJMP bilang bagong hepe nito. (Danilo Garcia)