Nagtagumpay ang Manila Police District (MPD) sa ginawang pagtugis sa isang katulong na miyembro ng sindikatong nilalason muna ang mga among Tsinoy at kapwa kasambahay bago isasagawa ang pagnanakaw nang malambat ito sa bahagi ng Quezon City, kahapon ng umaga.
Kasalukuyang nakapiit ngayon sa MPD-Station 11 ang suspect na si Annamie Librando, 30, dalaga, tubong- Cebu at residente ng F. Duhat St., Project 7, Quezon City
Sa ulat ni P/Supt. Nelson Yabut, dakong alas-10 ng umaga nang madakip ang suspect sa loob ng isang karinderya sa lungsod Quezon.
Positibo naman itong itinuro ng kanyang mga naging biktima. Nabatid na matagal nang pinaghahanap ang nasabing katulong matapos ang serye ng pagnanakaw nito ng mga alahas at salapi sa mga pinasukang amo partikular ang mga mayayamang Tsinoy sa Binondo at Sta. Cruz, Maynila.
Ang modus operandi umano ng suspect ay kinakaibigan ang mga guwardiya at kinukumbinse ang mga ito na ipasok siya bilang katulong. Sa oras na siya ay matanggap, magpapakita ito ng kabaitan upang kagiliwan kaagad at saka isasagawa ang maitim na balak.
May bitbit na umano itong dry powder na inihahalo sa pagkaing niluto, kape, tubig, juice at iba pa upang matiyak na malalason o masisira ang tiyan ng lahat ng mga kasama sa bahay. Habang nasa ospital ang kanyang mga nilason ay saka naman sisimutin umano ang mga alahas at salapi ng amo.
Sa kaso ng ibang biktima, siya pa mismo umano ang nagdala sa ospital sa amo at habang nakaratay sa pagamutan ang mga amo, bumabalik ito sa bahay ng amo upang magnakaw at tuluyang tumakas.
Sa pag-amin umano ng biktima na miyembro siya ng sindikato, inginuso niya ang isang Rita Manabat Mendoza, isang alahera na ‘utak’ umano ng pagsusuplay ng kemikal na dry powder para ihalo sa pagkain at inumin ng bibiktimahin.
Ibinunyag pa ng suspect na 10 porsyento lamang umano sa kanilang nakukulimbat ang napupunta sa kanya at ang ibang bahagi ay napupunta sa sindikato.
Kabilang sa nagreklamo sina Vina Sy na natangayan ng P200,000 cash at alahas noong Agosto 5, 2008; isang Benito Tan na nawalan ng mga alahas noong Agosto 19, 2008, at isa pang insidente umano ang Pua family na tinangayan ng P45,000 cash at alahas.